SA paglabas ni Vice President Sara Duterte sa bagong campaign advertisement ni reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, opisyal nang inindorso ng pangalawang pangulo ang kandidatura ng huli sa nalalapit na May 12, 2025 national and local elections.
Bilang panimula ng naturang political ad ni Dela Rosa, buong tapang niyang sinagot ang mga kritiko na patuloy na sinisira at nais na dungisan ang kanyang reputasyon bilang isang public servant sa pamamagitan ng mga maling akusasyon.
“Binabatikos, pinaparatangan, at dinudungisan nila ako. Ganyan sila katakot! Pero sino ba ang totoo sa serbisyo at may dedikasyon magsilbi?” litanya pa niya.
Kasunod nito ang pagliwanag ng paligid matapos na makakuha ng kasagutan ang Mindanaoan lawmaker mula sa isang pamilya na boses, sa katauhan ni Vice President Sara Duterte, na nagpahayag ng buong tiwala sa reelectionist senator asa tapat na layunin nito na ipaglaban ang kaligtasan at seguridad ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng patuloy na paglaban sa ilegal na droga.
“Ikaw, Senator Bato Dela Rosa! Ikaw, Senator Bato, ang patuloy na lumaban sa ilegal na droga! Ikaw, Senator Bato, ang kailangan ng Pilipino,” saad ng bise-presidente.
“Matibay ang Bato! Hindi matitibag ang Bato,” dugtong ni VP Duterte.
Sa mga binigkas ng pangalawang pangulo, lalong nag-alab ang loob ni Dela Rosa at nangakong mas paigtingin ang kanyang misyong protektahan ang buhay ng bawat kababayan niyang Pilipino.
“At misyon kong pangalagaan ang buhay niyo! Gusto ko ligtas kayo! Itaga niyo sa Bato,” Mariing pahayag ng senador, na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP).
Samantala, pormal din inihayag ni Lanao del Sur Governor Datu Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr. ang pag-endorso sa reelection bid ni Dela Rosa kung saan pinuri rin niya ang malaking kontribusyon ng senador sa pagpapaunlad ng Mindanao region.
“Hindi ho tayo malulugi kung iluluklok natin pabalik sa Senado. Hindi ba, ‘pag sinabi niyang, ‘itaga niyo sa Bato,’ totoo po ‘yon. Ipinaglalaban niya ‘yung karapatan ng taga-Mindanao at ‘yung mga inaapi sa ating mga kababayan sa buong Pilipinas, sa Lanao Del Sur,” pahayag ni Adiong sa pagdiriwang ng 64th Araw ng Wao Kariyala Festival sa bayan ng Wao.
Kinilala rin ng Lanao del Sur governor ang pagiging malapit ni Dela Rosa sa mga mamamayan ng lalawigan partikular isang estudyante at alumni ng alma mater nito, ang Mindanao State University (MSU).
Sa kanyang talumpati sa nasabing okasyon, nangako si Dela Rosa pagbubutihin ang pagganap ng tungkulin bilang senador kabilang ang pagtitiyak nang pangmatagalang kapayapaan ng rehiyon.
“Itong Wao, this is a melting pot, melting pot of all people, of all tribes… This is the perfect example of how we unite. Kahit meron tayong diversity, diverse ang ating culture, diverse ang ating backgrounds pero naka-unite tayong lahat para maabot ang peace and order sa ating lugar,” saad pa niya.
“As your chairman sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ako’y nagtatrabaho ng husto doon sa Senado para makagawa tayo ng mga polisiya para sa huli, makamtan natin permanently ang public order, mawala ang problema sa droga, at para sa national defense at security. ‘Yan ang aking mga tinututukan dito sa Senado. So ako ay nakikiusap sa inyo na ako’y ibalik sana ninyo sa Senado,” dagdag ni Dela Rosa.
Bukod sa pagiging chairman ng committee on public order, si Dela Rosa rin ang namumuno sa Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victim’s Compensation.
Nitong buwan ng Enero, si Dela Rosa ang tumayong sponsor sa pagsalang sa plenaryo ng Senado ng panukalang batas para dagdagan ang bilang ng mga barangay ng Marawi City na makatatanggap ng kompensasyon mula sa gobyerno sa ilalim ng Republic Act 11696.
