
TULUYAN nang tinuldukan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat kaugnay ng umano’y banta ni Vice President Sara Duterte na ipatutumba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at asawang si Liza Araneta Marcos.
Rekomendasyon ni NBI Director Jaime Santiago sa Department of Justice (DOJ), sampahan ng kasong inciting to sedition at grave threat si ang bise-presidente ng bansa.
Partikular na tinukoy at pinagbatayan ng NBI sa rekomendasyon ang recorded file ng Zoom meeting ni VP Sara kung saan aniya binitawan ang mga katagang ipapatay ang Pangulo ng bansa, gayundin ang Unang Ginang at House Speaker Martin Romualdez.
Kasunod ng Zoom meeting, nagkaroon ng pagtitipon ang mga pro-Duterte supporters sa EDSA Shrine kung saan nanawagan ng pagbibitiw sa pwesto ni Marcos.
“There was really a Zoom meeting kung saan niya sinabi yung mga threatening remarks niya. Bakit inciting to sedition? Because of the threatening remarks, nagkaroon ng patawag, pagpupulong sa EDSA na yung katahimikan natin ay medyo nabulabog,” paliwanag ni Santiago na nagsilbing huwes sa husgado bago itinalagang NBI chief.
“Yung threat niya, nalatlahala naman. Sinabi niya no joke, dalawang beses pa, so we take that seriously,” dugtong ni Santiago.
Nobyembre 23 ng nakaraang taon nang mag-viral ang recorded Zoom video kung saan ibinahagi ng pangalawang pangulo ang habilin sa hindi pinangalanang hitman na patayin si Marcos, Romualdez at ang Unang Ginang sakaling may masamang nangyari sa kanya.
Sa hudyat ng National Security Council, agad na nagpatupad ng paghihigpit ang Presidential Security Group para tiyakin ang kaligtasan ng Pangulo.