TATLONG taon na ang nakalipas mula nang sumumpa ang noo’y presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. na ibababa sa antas na P20 kada kilo ang presyo ng bigas sa merkado pero hanggang ngayon umaasa pa rin si Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel na maisasakatuparan ng Pangulo ang binitawang pangako.
Gayunpaman, nilinaw ni Laurel na maaari pang bumaba ang halaga ng bentahan ng bigas sa mga pamilihan, pero hindi sa halagang ipinangako ni Marcos.
“Hindi pa rin siguro P20, possible siguro nasa, mid-P30s,” wika ni Laurel sa isang panayam kasunod ng joint inspection sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Sa pagtataya ng Kalihim, bababa ang presyo ng bigas sa mga palengke ng P30 hanggang P40 per kilo bago matapos ang termino ni Marcos.
Sa ngayon aniya, nagsimula na umanong bumaba ang presyo ng bigas sa mga palengke matapos ibaba pa sa P55 per kilo ang maximum suggested retail price (MSRP) mula sa P58 per kilo.
Nakatakda naman bawiin ang idineklarang food security emergency sa sandaling maabot ng pamahalaan ang target na halagang abot-kaya ng mga mamamayan.
