NI EDWIN MORENO
Hindi na nagawa pang pumalag ng isang 65-anyos na kandidato para sa posisyon ng gobernador matapos dakmain ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isinagawang entrapment operation sa Guimaras kamakailan.
Ayon kay Brig. Gen. Jack Wanky na tumatayong hepe ng Western Visayas Regional Police Office, nagpakilala umanong kamag-anak ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang suspek na si Margarita Cacho para makapambiktima ng mga kontratista sa gobyerno.
Katunayan aniya, may ilang mga kontratista na ang nakuhanan ng pera ng suspek sa pangakong bibigyan ng kontrata sa “basbas” ng Unang Ginang. Gayunpaman, hindi na sinabi ni Wanky kung sino-sinong kontratista ang nabiktima at kung magkano ang halagang nakultab ng suspek.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas din aniyang totoong magpinsan sina Cacho at si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Kandidato para gobernador si Cacho laban kay Camiguin Rep. Lucille Nava na asawa ni incumbent Gov. JC Rahman Nava na tumatakbo naman para kongresista ng lone district ng nasabing lalawigan.
Bukod kay Cacho, arestado rin ang umano’y kasabwat na kinilala sa pangalang Cayetano Leal at dalawang Philippine Coast Guard personnel na nagsisilbing bodyguard ng pangunahing suspek.
Wala pang pahayag ang Palasyo hinggil sa ginawang pag-aresto sa pinsan ng Unang Ginang.
