
MATAPOS ang mainit pa talakayan sa pagitan ng pabor at kontrapelo, ganap nang umuusad sa Senado ang panukalang batas na nagsusulong gawing legal ang marijuana sa bansa.
Paglilinaw ng Senado, ang Senate Bill 2573 (Cannabis Medicalization Act) ay para lamang sa aspeto ng medisina – cannabis bilang panggamot sa mga pasyenteng may debilitating conditions.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, bibigyan din ng pahintulot ang mga pribadong indibidwal o entities na bumili, mag-ingat, magbyahe, magtanim at gumamit ng cannabis bilang gamot o para sa pagsasaliksik.
Gayunpaman, nakasaad sa SB 2573 ang mahigpit na panuntunan para sa pagtatanim, paggamit at pagbebenta ng marijuana.
Pasok din sa kondisyon ng panukala ang akreditasyon ng pasyente mula sa Philippine Medical Cannabis Authority (PMCA) na lilikhain sa ilalim ng Department of Health (DOH) at pamumunuan ng isang direktor na itatalaga ng Pangulo.
Obligado rin kumuha ng special license ang mga doktor na magrereseta ng marijuana sa mga pasyente, bukod pa sa pagsasanay mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).