Ni Estong Reyes
INILATAG ng magkapatid na Senador Pia at Alan Peter Cayetano ang pinakamabilis ang solusyong legal sa sinumang hindi nagbabayad ng personal na utang na hindi kailangan ng abogado o mahabang proseso.
Sa pagpapatuloy ng programang Cayetano in Action with Boy Abunda program nitong Oktubre 1, sinabi ng magkapatid na maaaring magsampa ng “small claims case” ang sinumang inutangan laban sa nandededma ng utang.
“Mayroon bang may utang sa iyo pero bigla ka na lang pinagtaguan at ayaw kang bayaran? May magagawa ka! Pwede mo siyang sampahan ng “small claims case” – kahit wala kang abugado,” anila sa naturang programa.
Inihalimbawa ng magkapatid na Cayetano ang pagpapautang ng isang gurong complainant at asawa ng halagang p150,000 sa nobya ng kanyang bayaw upang maisabal ang kotse na hindi nahuhulugan ng apat na buwan.
“Eh mabait naman po kami sa kanila, at tiwala lang din. Akala namin mahuhulugan kami,” pahayag ng guro na hindi binanggit ang pangalan.
Ayon sa ginawa nilang kasulatan, sangla ang napagkasunduan nilang porma ng pautang. Sa kabila nito, hindi na kinuha ng complainant ang kotse sa pagnanais na patuloy itong maipamasada ng may-ari.
Taong 2019 nang mangyari ang pautang na may buwanang hulog na P24,000, pero makalipas ang apat na taon ay hindi pa rin ito nababayaran nang buo sa complainant.
“First month pa lang ng paghuhulog, hindi na nabuo y’ung P24,000 [na napagkasunduan kada buwan], hanggang sa hindi na talaga sila nakahulog,” pahayag ng guro.
“Umabot lang po siguro ng P65,000 lahat ang naihulog nila nang pautay-utay,” dagdag niya.
Para makasingil ang guro, hinikayat siya ni Senador Alan na magsampa ito ng kaso sa Small Claims Court, isang bahagi ng Korte Suprema na rumeresolba sa mga kasong may kinalaman sa pera P1 milyon pababa.
Hindi kailangan ng abogado para makapagsampa ng kaso, at lahat ng papeles na kailangang sagutan ng nagrereklamo at inirereklamo ay madali lang din makuha. Sa loob ng isang araw ay kayang tapusin ang mga pagdinig at ang desisyon ng judge.
“‘Pag may judgment na, whether suweldo niya o may property [na pwedeng kunin], mas madaling habulin na y’un pati ng sheriff ng korte,” ani Senador Alan sa guro.
Dagdag niya, mabilis lang ang buong proseso dahil hindi ito criminal case.
“Dito [sa Small Claims], at any point in time na makipag-usap [ang umutang] at sinabi mong, ‘Judge nagkasundo na po kami na magbabayad kahit 3,000 a month,’ kahit y’ung Small Claims Court gusto y’un,” pahayag niya.
Pinuri din ni Senador Alan ang guro para sa bukas-palad nitong pagtulong sa panahon ng pangangailangan.
“Thank you sa mga kind-hearted na katulad mo na ‘pag may problema ang ating kababayan ay nagpapautang,” aniya sa complainant.
Ang Cayetano in Action with BA ay “evolution” ng “Compañero y Compañera,” ang legal affairs show na ipinalabas sa radyo at telebisyon mula 1997 hanggang 2001 at pinangunahan ng yumaong ama nina Senador Alan at Pia na si dating Senador Rene Cayetano.
Sa pamamagitan ng nasabing programa, layunin ng magkapatid na senador na ipaliwanag sa mga manonood ang kanilang mga karapatan at hanapan ng malikhaing solusyon ang mga problemang legal ng mga Pilipino.