
BAGAMAT hindi na kongresista, mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon ng Kamara para kay former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co para magpaliwanag o sagutin ang mga paratang ng katiwalian.
Sa isang live radio interview, binigyan-diin naman ni House Speaker Faustino Dy III na sakaling makabalik ng bansa ang dating mambabatas, ito’y mapapasailalim sa kustodiya ng Department of Justice (DOJ), o kaya’y ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
“Iyan dalawang ahensya po na yan ay pwedeng doon makipag-cooperate si former Congressman Zaldy Co. At kung makipag-communicate din naman po sa aming tanggapan ay welcome na welcome po siya para sa gano’n makapagpaliwanag siya,” wika ng House Speaker.
Pag-amin ni Dy, matapos matanggap ang resignation letter ni Co bilang kongresista, agad niyang tinawagan ang noo’y Justice Secretary at ngayo’y Ombudsman Crispin Remulla.
“Ang sabi ko, nakatanggap nga kami na nag-resign na siya (Co) as member of the House of Representatives, na kung maaari lamang, kung ano ang pinaka mabilis na paraan na makansela na ang kanyang passport para sa ganoon ang movement din niya ay malimita. ‘Yun ang aming ginawa, nakipag-cooperate kaagad kami sa (DOJ),” paglalahad pa ng pinuno ng Kamara.
Bagamat batid niya na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang may kapangyarihan magkansela ng pasaporte, kay Remulla siya humingi ng tulong dahil nasa ilalim nito ang Bureau of Immigration (BI) na makakatulong para sa mabilis na koordinasyon sa paghahanap kay Co.
Dagdag ng Isabela lawmaker, tiniyak naman sa kanya ni Remulla na agad aaksyunan ang kanyang kahilingan at sa ngayon ay naniniwala siyang gumugulong na ang proseso para sa pagkansela ng DFA sa pasaporte ng former Bicolano solon.
Samantala, kinumpirma ni Speaker Dy na mayroong siyang natanggap na ulat na si Co ay maaaring nasa Europe, taliwas sa isinasaad nito sa paghingi ng travel authority lumipad patungo sa Estados Unidos para umano magpagamot.
“Maraming mga nagsasabi kung saan-saan siya nakikita. Pero yung huling liham na natanggap natin mula sa kanya bago siya nag-resign is ang kanyang paliwanag doon ay nagpapa-medical, nagpapagamot siya.” (ROMER R. BUTUYAN)