MALAPIT nang isabatas ang isang panukalang batas na naglalayong magtaguyod ng mga specialty hospitals na para lang sa mga nakatatanda, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Sa botong 23 pabor at walang kontra, pinagtibay sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 1509 (Philippine Geriatric Center Bill) na naglalayon mapahusay ang healthcare para sa mga lolo at lola.
“Magiging mas madali ng matupad ang good health at long life na lagi nating wini-wish tuwing birthday ng ating mga lolo’t lola dahil sa pagpasa ng Philippine Geriatric Center (PGC) Act,” ayon kay Hontiveros, na may akda ng nasabing panukala.
Aniya pa:, “Maraming salamat sa aking mga kasama sa Senado at muli kaming nagkaisa para sa isa na namang ‘happy bill’ para sa ating mga kababayan, partikular na ang ating mga senior citizens.”
Umaasa si Hontiveros na ganap nang magiging batas ang panukala dahil napagtibay na ang katulad ng bersyon sa Mababang Kapulungan noong Disyembre 2025.
Kabilang Philippine Geriatric Center sa mga panukalang tinutulak ng Legislative Executive Development Advisory Council bilang priority measure, at kasama sa executive agenda ng Department of Health.
“Ang dami nating utang na loob sa ating mga lolo’t lola. Deserve naman nilang masuklian ng maaruga at magaling na pag-alaga, lalo na kung sila’y manghina at magkasakit,”ani Hontiveros. “Sana maisabatas na ang Philippine Geriatric Center Act sa lalong madaling panahon.”
Nakatakda sa panukala ang amendments ni Hontiveros na tiyakin na hindi magiging “white elephant” o walang kwentang proyekto ang PGC.
“Minamandato ng probisyon ko na dapat magpatayo, fully equipped, at operational sa loob ng five to seven years ang Philippine Geriatric Center. Inaasahan kong tutuparin ito ng gobyerno, sa pangunguna ng DOH,” ani Hontiveros.
Naglalaman din ang panukala ng isang amendment na dapat tiyakin na bibigyan ng prayoridad ng PGC ang indigent at mahihirap na matanda at vulnerable aging populations, habang ang amendment naman ni Senator Pia Cayetano ay “integrate social welfare at protection programs with geriatric care and ensure age-friendly amenities and facilities within the hospital.”
“Pati sa pangangalaga sa ating mga lolo’t lola, dapat walang naiiwan sa ating lipunan. Sinisigurado ng mga amendments na ito na ang pagtutok natin sa kalusugan ng mga seniors ay alinsunod pa rin sa framework ng universal health care,” giit ni Hontiveros.
Itinakda din ng isa pang amendments mula kina Hontiveros at Senador Bong Go na nagsasabing dapat isang duly-licensed physician ang magiging hepe ng PGC na may karanasan at kakayahan sa geriatric care at hospital administration and management.
“Malaki ang pasasalamat ko kina Sen. Robin, Sen. Pia at Sen. Bong para sa kanilang pagtulong na pinuhin pa ang panukalang batas para sa Philippine Geriatric Center. Maraming salamat rin sa mga kapwa kong authors ng bill, kasama si Sen. Bong, pati na rin sina Majority Leader Migz Zubiri, Sen. Mark Villar, Sen. Lito Lapid, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Loren Legarda, Sen. Erwin Tulfo, Sen. Raffy Tulfo at Sen. Joel Villanueva,” diin ni Hontiveros.
“Maasahan ninyo na sa patuloy kong pagtatrabaho sa Senado kasama ang aking mga colleagues, marami pa po akong maipapasang batas para sa kalusugan ng bawat Pilipino.” (ESTONG REYES)
