HALOS kasabay ng pagtalakay ng Kamara sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dalawang reklamong naglalayong sipain sa pwesto si Vice President Sara Duterte ang inihain sa tanggapan ng House Secretary general.
Unang nagsumite ng impeachment complaint ang mga militanteng kongresista sa likod ng Makabayan bloc.
Ang batayan ng reklamo — pagtataksil umano ni Duterte sa tiwala ng publiko, sa pag-abuso sa discretionary powers kaugnay ng paggastos ng P612.5 milyong confidential funds mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
Hayagan din anilang binalewala ng bise-presidente ang transparency at accountability sa proseso ng audit — partikular sa umano’y gawa-gawang accomplishment para bigyang-katwiran ang paggastos sa confidential funds.
Binanggit din sa reklamo ang pagtataksil umano ni Duterte sa tiwala ng publiko sa ginawa nitong pagtanggi na kilalanin ang congressional oversight sa pag-usisa sa pondo ng kanyang tanggapan.
Ang reklamo ay inendorso nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago at Kabataan Rep. Renee Co.
Inihain naman nina Kiko Aquino Dee, co-convenor ng Tindig Pilipinas, dating peace secretary Ging Deles at Ramon Magsaysay Awardee 2025 Fr. Flavie Villanueva at 14 na iba pa ang ikalawang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Lima ang alegasyon laban kay Duterte — pagbubunyag ng dating aide na si Ramil Madriaga na nagdala umano sa Bise Presidente ng malaking halaga ng confidential funds.
Inakusahan din ni Madriaga si Duterte na tumanggap umano ng pera mula sa mga illegal drug trader at Philippine Offshore Gaming Operator.
“Madriaga’s testimony warrants a full investigation. His statements corroborate our worst fears about the Vice President’s spending of public funds for personal use. Therefore, it becomes the solemn duty of citizens and public officials alike to seek accountability,” sambit ni Dee.
Tumayong sponsor ng ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte sina Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila de Lima at Akbayan partylist Rep. Peri Cendaña. (ROMER BUTUYAN)
