Ni Romeo Allan Butuyan II
PANAHON na umano para mahigpit na bantayan at mariing ipaglaban ng Pilipinas ang teritoryang sakop nito, partikular ang nakapaloob sa 200-nautical miles exclusive economic zone ng bansa kabilang ang Bajo de Masinloc.
“It’s time we physically assert what is ours dahil wala namang nangyayari sa puro protest,” ang matapang na pahayag ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin T. Tulfo.
Ayon sa ranking House official, napapanahon na magpasaklolo ang Pilipinas sa mga kaalyado nitong bansa tulad ng Estados Unidos, Japan at iba pa para sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.
“Hindi naman siguro tayo bobombahin ng China kung sakaling igiit natin ang ating karapatan at panindigan ang mga exclusive economic zone na ito ay atin hindi lang sa salita kundi sa gawa,” sabi pa ni Tulfo.
“I am sure tutulungan tayo ng international community kung sakaling giyerahin tayo ng China,” dugtong niya.
Kasabay nito, kinastigo ni Tulfo ang China sa naging tugon ng huli sa pagtanggal ng Philippine Coast Guard (PCG) sa “floating barrier” na inilagay ng Chinese militia sa Bajo de Masinloc.
“Wala silang karapatan na pagsabihan tayong umayos sa sarili nating teritoryo. Kahit ano pa ang itawag nila sa Bajo de Masinloc sa Zambales, sa Pilipinas pa rin ito! ‘Yan ang malinaw dito,” tigas na sabi ng ACT-CIS party-list solon.
Sinuportahan at pinuri ni Tulfo, gayundin ng iba pang opisyal at kasapi ng Kamara ang matapang na pagtatanggal ng PCG personnel sa naturang floating barrier, na aniya ay isang malinaw na mensahe o pagpapamukha sa China sa kahandaan ng Pilipinas na ipaglaban ang teritoryo nito.