October 25, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Tiangco binuweltahan, may P529M budget insertion?

HINDI pinalampas ng isang partylist congressman ang patutsada ni Navotas Rep. Toby Tiangco hinggil sa umano’y P14-bilyong halaga ng budget insertions ni Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, sa ilalim ng 2025 national budget.

Sa isang kalatas, hayagang kinastigo ni Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin ang umano’y tunay na motibo sa likod ng patutsada ni Tiangco laban kay Co na dating chairman ng House Appropriation Committee sa ilalim ng 19th Congress..

Ayon kay Garbin, ang tunay na dahilan sa mga pagbanat ni Tiangco kay Co ay para pagtakpan ang sariling bulilyaso.

Alegasyon ni Garbin, nasa P529 milyon ang budget insertion ni Tiangco para sa flood control projects sa nasasakupang distrito.

“Why attack others when contractors in your own district are being investigated for ghost projects?,” bulalas ni Garbin kaugnay ng mga nasungkit na proyekto ng St. Timothy at SYMS Trading Construction kabilang sa mga 15 contractors na iniimbestigahan ng Kamara at Senado.

“Tiangco had P529 million worth of insertions in the 2025 budget, 65 to 70 percent of which went to flood control projects in Navotas. The DPWH even wrote to Tiangco seeking assistance in implementing the St. Timothy flood control repairs project, indicating that funds for these were not only approved but released,” saad pa sa kalatas ng Ako Bicol solon.

“When you speak of transparency, start with your own backyard,” buwelta ni Garbin.

Sa gitna aniya ng pagsilip ni Tiangco sa alokasyong nag-uugnay sa kanilang partylist organization, ay napatunayan naman aniyang ginamit ni Tiangco ang isiningit na pondong pumasok sa mga kontratistang dawit sa kontrobersya.

 “We’re not saying all his contracts are anomalous, but due diligence should have warned him about red flags,” aniya pa.

Para kay Garbin, “bitter” lang si Tiangco dahil hindi nasungkit ang speakership ng Kamara.

“Maybe this is where all his anger is coming from. The truth is clear, his half-a-billion insertion was released,” pagtatapos ni Garbin.

Sa panig ni Tiangco, iginiit ng Metro Manila solon na hindi dapat umano ilihis ni Garbin ang usapin.

Itinanggi rin ng kongresista mula sa Navotas ang alegasyon hinggil sa budget insertion.

“All I can do is make a request and the Bicam decides. So hindi ba mas lalong nakapagtataka kung bakit si Zaldy Co was able to insert P13.8 billion to some districts that did not even ask for it?”

Palaisipan rin aniya kunming paano naisingit ang  Ako Bicol partylist ng P2.295 bilyon at ang BHW naman ng P2.064 bilyon, samantalang limitado lang ang ibang partylists sa P100 to P150 milyon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)