MATAPOS makapagtala ng kabuuang 1,822,708 boto, tatlong pwesto ang nasungkit ng Tingog Partylist sa pagpasok ng 20th Congress sa Hunyo ng kasalukuyang taon.
Sa isang kalatas, lubos na ikinalugod ng grupo ang tagumpay sa ginanap na halalan mahigit isang linggo na ang na ang nakaraan. Anila, ipagpapatuloy ng Tingog ang pagbibigay ng serbisyong nakasentro sa taumbayan at naka-ugat sa komunidad.
Nitong Mayo 19, 2025, opisyal na idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na nagsilbing National Board of Canvassers, ang mga nanalong partylist groups sa katatapos na 2025 midterm elections.
Kabilang ang Tingog sa tatlong partylist groups na nakakuha ng 3 pwesto sa Kamara. Kabilang sa mga tatayong kinatawan ng Tingog sa Kamara sina Andrew Romualdez, Jude Acidre, at Happy Calatrava. Kabilang din sa mga nominee ng partido sina Alexis Yu, Paul Richard Muncada, Yedda Romualdez, Aref Usman, Lisa Barrientos, Jaime Go, at Glenn Jude Rufino.
Hango sa salitang Waray na nangangahulugang “boses,” itinatag ang Tingog sa Tacloban City matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda. Mula sa pagiging isang regional movement, lumago ang kilusan bilang pambansang plataporma para sa paggawa ng mga inklusibong batas, mabilis na maipaabot ang serbisyo publiko, at pamamahalang nakabatay sa komunidad.
“This renewed mandate is deeply humbling. It tells us that the people still believe in the kind of leadership we offer—one that listens, that serves, and that delivers,” wika ni Rep. Jude Acidre, na muling magsisilbi para sa kanyang ikalawang termino.
“TINGOG was born from the silence that followed Yolanda, at a time when our region felt forgotten. We made a commitment then: that Eastern Visayas would never again be without a voice. Today, we carry that voice not just for our own, but for every Filipino who longs to be heard. Sa dulo ng lahat, ang hinahanap pa rin ng tao ay isang pamahalaang tunay na nakikinig at tapat na nagsisilbi,” dagdag pa niya.
Hanggang ngayong buwan, may kabuuang 174 panukalang batas na akda ng Tingog ang pinagtibay ng Kamara.
Sa naturang bilang 46 ang naging ganap na batas tulad ng Republic Act 11703 – Samar Island Medical Center Act, RA 11934 – SIM Card Registration Act, RA 11960 – One Town, One Product (OTOP) Philippines Act, RA 11976 – Ease of Paying Taxes Act, RA 11984 – No Permit, No Exam Prohibition Act, RA 12009 – New Government Procurement Act, RA 12076 – Ligtas Pinoy Centers Act, RA 12124 – Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act at iba pa.
Mayroon ding mahalagang papel na ginampanan ang Tingog PL sa pagpasa ng Magna Carta of Filipino Seafarers. Ang House Committee on Overseas Workers Affairs na pinamumunuan ni Acidre, ang nagsulong ng naturang panukala.
Bukod sa paggawa ng batas, patuloy na inilalapit ng Tingog PL ang pamahalaan sa mga mamamayan sa bisa ng 218 Tingog Centers sa buong bansa. Ang mga naturang centers ay nagsisilbing tulay upang maipaabot sa mga komunidad—lalo na sa mga liblib na lugar at kulang ang natatanggap na serbisyo—ang mahahalagang programa ng pamahalaan tulad ng tulong-medikal, pinansyal na ayuda, at suportang pangkabuhayan.
“This isn’t just about holding public office—it’s about upholding a duty to ensure that no Filipino is left behind,” ani Andrew Romualdez, unang nominado at papasok na kinatawan.
“Through Tingog, we strive to make public service tangible—something that reaches people where and when it matters most. At the heart of that is a government that listens with intent and serves with integrity,” dagdag pa ni Romualdez.
Para naman kay Happy Calatrava, na dating Regional Chair ng Tingog sa Visayas, ang natamong tagumpay ay parehong nakakapag pakumbaba at personal. “This is an opportunity to give back to the communities that shaped us. From Leyte to Cebu, from Samar to the rest of the country—we carry the voice of the region and the hopes of the people we serve.”
Sa pagkakamit ng tatlong pwesto sa ika-20 Kongreso, sinisimulan ng Tingog ang isang bagong kabanata na nakaugat sa pinagmulan, ginagabayan ng adbokasiya, at determinado sa layuning mailapit ang pamahalaan sa mamamayan. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
