
TALIWAS sa paandar ni Vice President Sara Duterte, hindi dapat humantong sa “bloodbath” ang demoratikong proseso naglalayon ilantad ang katotohanan at panagutin alinsunod sa umiiral na batas ang mga tiwali sa pamahalaan.
Ito ang buod ng mensahe ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor, na miyembro ng House prosecution panel sa naging pahayag ni Duterte na nagbabala sa umano’y napipintong “bloodbath” sa sandaling sumipa ang impeachment trial sa senado.
“Maganda sigurong sabihin natin na ‘winner takes it all’ ang impeachment trial na ito. Hindi kailangan maging bloodbath. Gusto natin malinaw lang ang pagkakalatag ng ebidensya ng prosecution at ng defense teams,” wika ni Defensor.
Ayon kay Defensor, hindi “bloodbath” tulad ng pagsasalarawan ng bise presidente, ang magaganap na impeachment trial sa Senado lalo pa’t malinaw ang pakay sa paghahain ng kaso —- ang paghahanap ng katotohanan at pagtiyak sa pananagutan.
Giit pa niya, dapat maging handa ang prosecution at defense panels sa paglalahad ng argumento sa Senado na tatayong impeachment court sa pagbubukas ng 20th Congress.
Dagdag ng Iloilo lawmaker, magiging mas madali para sa taumbayan na tanggapin ang anumang kalalabasan ng paglilitis—maging guilty man o hindi ang hatol kay Duterte.
“Gusto ko makita na handa si Vice President para sakaling ma-acquit siya… madaling tanggapin ng taumbayan, madaling tanggapin ng 215 members of Congress who signed the impeachment complaint. At sana, wag pakialaman ng ating Korte Suprema ang impeachment. This is a purely political process,” pahayag ng abogadong kongresista.
Naghain ng petisyon ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment trial subalit nanindigan ang ranking House official na hindi dapat makialam ang high tribunal maliban na lamang kung may malinaw na “grave abuse of discretion” mula sa Kongreso.
“Abangan natin kung sa palagay ng Supreme Court ay may grave abuse of discretion… pero I am confident na ang ating Korte Suprema will respect the separation of powers,” sambit pa ni Defensor.
Matatandaan na noong Pebrero, bago mag-adjourn ang sesyon, pinagtibay ng Mababang Kapulungan ang Articles of Impeachment laban kay Duterte matapos pagtibayin ng mayorya ng Kamara.
Inakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at bilang kalihim ng Department of Education na hindi nito sinagot sa mga pagdinig ng Kamara.
Sa huli, sinabi ni Defensor na ang impeachment trial ang tanging paraan para matapos ang kontrobersya.
“Mas magandang matuloy na ito, matapos, at may closure ang Pilipinas. Kung sasabihin ng senator-judges natin na walang kasalanan ang Vice President, napakadaling tanggapin ‘yun ng mga miyembro ng Kongreso at katunggali niya. Pero kung may pananagutan siya, dapat ring tanggapin ang desisyon,” pagtatapos ng mambabatas. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)