
SA hangaring wakasan ang pagkalam ng sikmura bunsod ng pagsasamantala ng mga ganid na negosyante, target ng pamunuan ng Kamara isulong ang pananatili ng murang bigas sa bisa ng paglikha ng pambansang polisiyang naglalayon gawing permanente ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo.
Sa isang kalatas, tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez ang suporta ng Kamara sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin ang programang sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.
Kasabay nito, pinuri ni Romualdez ang programa ng Department of Agriculture (DA) na makapag benta ng P20 per kilo ng bigas, na aniya’y isang mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain at pang-ekonomiyang katarungan para sa mga pamilyang Pilipino.
Pagbibigay-diin ng lider ng House of Representatives, patunay ang naging hakbang ng DA na determinado ang Pangulo sa kanyang hangarin at siguruhin hindi panandaliang solusyon.
“This is not a one-time rollout. This is the beginning of a national transformation. President Marcos is showing us that with political will and smart budgeting, P20/kilo rice is not just possible—it’s happening,” wika ni Romualdez.
Ayon sa lider ng Kamara, susuportahan at palalawakin ng Kongreso ang modelo ng programa, sa pagbili ng bigas mula sa mga magsasaka sa patas na presyo at pagbebenta sa mga mamamayang mababa ang kita sa subsidized na halaga.
“We will allocate the necessary funds to scale this program nationwide through the 2026 General Appropriations Act. This kind of ayuda uplifts everyone—consumers, farmers, and the economy,” paglalahad ng Leyte solon.
Aniya, pinag-aaralan na ng Kamara ang pagsasama-sama at pag-aayon ng mga umiiral na programa, gaya ng 4Ps, food assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Rice Program ng DA, upang makabuo ng isang pinagsama-samang Rice Assistance Fund.
Ang pondong ito, ayon kay Speaker Romualdez, ang magbibigay-kapangyarihan sa NFA upang patatagin ang suplay ng bigas na ibebenta sa halagang P20 kada kilo sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
“We will also consider tapping AKAP and other targeted subsidy programs as complementary channels to reach the near-poor and vulnerable,” dagdag ni Romualdez.
Giit pa ng lider-kongresista, ang Kamara, kaagapay ang Ehekutibo, ay titiyakin na ang pagpapatupad ng P20/kilo na programa sa bigas ay magiging mahusay, transparent, at ligtas mula sa katiwalian o pang-aabuso, sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya gaya ng integration sa national ID, e-vouchers, at digital monitoring.
“No Filipino should go hungry when our farmers are ready to feed the nation. P20/kilo rice is not a fantasy—it’s a question of priority. And it is a top priority under this administration,” aniya pa.
Samantala, pinuri rin ni Speaker Romualdez si Pangulong Marcos Jr. sa pamumuno sa pagsusulong ng mga matapang at makataong solusyon upang tugunan ang inflation at kakulangan sa pagkain.
“President Marcos is turning a vision into action. The House of the People stands solidly behind him as we turn this action into permanent policy,” pagtatapos ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)