SA patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin, angkop lang na pati ang mga benepisyo ng gobyerno – kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dagdagan na rin.
Sa ginanap na pagdinig ng Kamara, ibinida ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan ang aniya’y napipintong umento sa buwanang allowance na inilaan ng pamahalaan para sa hindi bababa sa 4.4-milyong 4Ps beneficiaries.
Para sa mga benepisyaryong may anak na naka-enroll sa daycare, ang kanilang cash aid ay itatakda sa P350 kada buwan habang maglalaro sa pagitan ng P500 hanggang P600 ang allowance sa mga junior high school, ito ay mula P500 hanggang P600, at mula P700 hanggang P800 para naman sa mga senior high school..
Samantala, ang health at nutrition grants ay tataas mula P750 hanggang P850. Mananatili naman ang P600 subsidy.
Sinabi rin ni Balisacan na ang buwanang cash grant para sa mga benepisyaryo ng buntis at nagpapasuso sa unang 1,000 araw ng buhay ng kanilang mga anak ay itinakda sa P350.
“We have produced a study for the adjustment of grants for inflation to ensure that the purchasing power of the grant when it was created would remain the same and for that the decision taken in the fiscal consolidation is the adjustment be made in 2026 for the inflation because this study was prepared after almost already the completion of National Expenditure Program,” ani Balisacan.
Batay naman sa panukalang NEP, inaasahang tataas ang budget para sa 4Ps sa humigit-kumulang P114 bilyon sa 2025 mula sa P106 bilyong nakalaan sa programa ngayong taon.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 4.4 milyong kabahayan sa buong bansa ang aktibong miyembro ng conditional cash transfer program ng gobyerno.
Sa unang quarter ng taon, natukoy na ng DSWD ang 700,000 na mga pamilya ang nakatakdang magtapos sa programa para bigyang daan ang pagsali ng iba pang maralitang pamilyang higit na kailangan ng ayuda.
