HINDI na bago ang mga tinatawag na “ghost projects” sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Senador Jinggoy Estrada.
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, hayagang inginuso ni Estrada ang kabi-kabilang modus sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, partikular sa ilalim ng panunungkulan ni Senador Mark Villar na nagsilbing Kalihim ng DPWH.
Pag-amin ni Estrada, matagal nang kalakaran sa naturang ahensya ang mga “ghost projects” kahit noong si Villar pa ang nakaupong DPWH Secretary.
Gayunpaman, biglang kambyo si Estrada sa gitna ng panayam. Aniya, madalas walang alam ang DPWH secretary sa mga nagaganap na katiwalian sa pinamumunuang departamento.
.“Minsan hindi nalalaman ng secretary yan… yung mga nasa taas. Ang mga gumagawa ng pera, yung mga nasa baba,” wika ni Estrada.
“Yung mga regional directors, district engineers, mga hindi na pinapaalam doon sa nakakataas. Yun ang naging sistema,” dugtong ng mambabatas, kasabay ng pag-amin sa aniya’y mala-sindikatong grupo sa bawat distrito.
Bukod aniya sa mga district engineer at regional directors ng DPWH, kasama umano sa sabwatan ang mga opisyales ng Commission on Audit (COA) sa manipulasyon ng mga proyekto ng gobyerno.
“Hindi papayagan ng COA yan kung wala silang natatanggap,” ani Estrada.
