NI LILY REYES
WALA nang sinasanto ang mga kawatan ngayon, ultimo sasakyang gamit ng Philippine Coast Guard (PCG), hindi pinatawad ng apat na indibidwal na umano’y nagnakaw ng krudong gamit sa pagpapatrolya sa karagatan.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), arestado ang apat na sinasabing nagnakaw ng 150 litro ng krudong sakay ng PCG patrol boat sa katubigan malapit sa Navotas Fish Port Complex.
Batay sa inisyal na impormasyon, sumampa sa ang mga suspek sa patrol boat at ninakaw ang drum na naglalaman ng krudo.
Agad din naman nadakip ang mga hindi pinangalanang suspek — kabilang ang isang menor de edad, sa isinagawang follow-up operation. Narekober din ang ginamit na bangka sa pagnanakaw.
Nakatakdang sampahan ng kasong robbery at paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) ang tatlo sa apat na suspek.
Isinailalim naman sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad.
