SA kabila ng pagtutol mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, tuloy ang nakatakdang pagtaas ng terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pagsapit ng Setyembre 14 ng kasalukuyang taon.
Paliwanag ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), tapos na ang isang taong moratorium na ipinatupad ng kumpanya mula nang isalin sa pribadong sektor ang operasyon ng paliparan.
Para sa International flight, itataas mula P550 patungong P950 ang terminal fee kada pasahero, habang P390 naman mula sa dating P200 ang ipatutupad na singil sa mga pasahero ng domestic flights.
Hindi naman anila kasali sa pagtaas ang mga sanggol, flight crew, overseas Filipino worker (OFW), pilgrim, Philippine Sports Commission (PSC) delegate, Medal of Valor awardee, at iba pang exempted ng batas o ng Office of the President.
