
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS ang makailang ulit na hindi pagsipot sa isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs kaugnay ng P3.6-bilyong halaga ng drogang nakumpiska sa bodega sa lalawigan ng Pampanga, tuluyan nang naglabas ng mandamiento de arresto ang Kamara laban kay former Presidential Adviser Michael Yang.
Ayon kay House committee chair Robert Ace Barbers, napapanahon nang ipakita ng Kongreso na walang sinuman ang pwedeng bumalewala sa Kamara, lalo pa aniya’t bahagi ng mandato ang pagsasagawa ng “investigation in aid of legislation.”
Partikular na tinukoy ni Barbers ang di umano’y katampalasan ni Yang na kahit minsan ay di dumalo sa mga paanyaya ng kongreso.
Si Yang ang pinaniniwalaang may-ari ng bodega sa bayan ng Mexico sa lalawigan ng Pampanga kung saan tumambad ang santambak na droga.
“Since he is not present, pursuant to our rules on Section 11, if I may read, the Committee may punish any person for contempt by a vote of two-thirds of the members present,” wika ni Barbers.
“Citing the violation committed by Mr. Michael Yang under Section 11, Paragraph A, for refusing without legal excuse to obey summons and invitations, there is a motion to cite Mr. Michael Yang in contempt. The motion is duly seconded, and hearing no objection, the Committee is now citing Mr. Michael Yang in contempt,” sabi ni Barbers.
Sa sandaling madakip si Yang, dadalhin ang dating Presidential Economic Adviser sa Metro Manila District Jail sa Bicutan, Taguig City.
Ayon sa mga ulat, si Yang ay umalis pa-Dubai noong Mayo 12, 2024. Iniuugnay si Yang kay Lincoln Ong, na isang incorporator ng kompanya na may kaugnayan sa Empire 999, ang may-ari ng warehouse kung saan nakumpiska ang P3.6 bilyong shabu.
Si Ong ay isang opisyal ng Pharmally, na nadawit din sa kontrobersiya kaugnay ng overpriced medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Inatasan na ng komite ang secretariat na makipagtulungan sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at iba pang law enforcement agency para dakpin si Yang.