TALIWAS sa unang pahayag na hindi pipigilan mag-abroad ang mga Filipino nurses, ipatutupad ng Department of Health (DOH) ang “return service agreement” sa hanay ng mga nursing graduates mula sa mga kolehiyo at pamantasan ng pamahalaan.
Paliwanag ni DOH Secretary Ted Herbosa, ang polisiya ang magsisilbing kabayaran ng mga nursing grads sa scholarship na iginawad ng pamahalaan sa anyo ng subsidiya sa matrikula.
Sa ganung paraan aniya, maiiwasan na muling kapusin ang bilang ng mga nurses tulad ng nangyari sa kasagsagan ng pandemya.
Partikular na tinukoy ni Herbosa ang kasunduan sa pagitan ng mga state colleges and universities (SUC) sa mga mag-aaral kung saan nakasaad ang polisiyang “return service agreement” kung saan magtatrabaho muna sa mga pampublikong pagamutan ang mga estudyante sa kursong nursing sa sandaling makatapos sa kolehiyo.
“If you graduate from nursing in UP you have to pay and serve the Philippines. You cannot leave until you pay back the scholarship you got – yan ang gagawin namin – we will just impose a return service arrangement especially if you graduated from the state university,” wika ng Kalihim.
Nakatakda rin silipin ng kagawaran kung mahigpit na ipinatutupad ng mga SUCs ang naturang polisiya.
