Ni ESTONG REYES
SA hangaring tuldukan ang pasakit sa mga mamamayan bunsod ng kartel at agri-smuggling, ganap nang niratipikahan ng Senado ang bicameral committee report na naglalayong ibasura ang Republic Act 10845 na mas kilala sa tawag na Anti-Agricultural Smuggling Bill.
Sa pagpapawalang bisa ng RA 10845, target na ipalit ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill, na ayon kay Senador JV Ejercito ay magpapataw mas mabigat na parusa sa mga indibidwal o grupong pasok mapapatunayang nagkasala sa kasong smuggling, hoarding at profiteering.
Pasok din sa isinusulong na parusa sa ilalim ng nasabing panukala ang mga negosyante sa likod ng kartel.
Ani Ejército, layon ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill bigyan ng proteksyon ang estado mula sa mga sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa at pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
“Ang panukalang ito ay binhi ng pag-asa para sa ating mga magsasaka. Ito ay itinanim ng Senado para sa kanilang kinabukasan,” wika ng senador sa aniya’y napipintong pagdurog sa mga mapagsamantalang negosyante na nagdidikta ng presyo sa merkado, nagtatago ng supply at yaong komukontral sa kalakalan.
“They are the pests who are choking our agricultural sector. This bill will uproot them and put them in jail, where they belong.”
