MATAPOS pumanaw ang isang guro sa gitna ng pagtuturo sa lungsod ng Muntinlupa, isa pang titser ang isinugod sa pagamutan bunsod ng stroke na iniuugnay sa matinding stress sa paghahanda sa isinasagawang evaluation ng Department of Education (DepEd).
Kwento ng mga mag-aaral ng P. Guevara Memorial National High School sa Sta. Cruz, Laguna, biglang nawalan ng malay ang gurong kinilala sa pangalang ER Jan Laberinto.
Ayon naman sa mga kapwa guro, puyat at labis na pressure sa paghahanda ng lesson plan at visual aids para sa naka-iskedyul na classroom observation ang posibleng dahilan ng kanyang kondisyon.
Sa pagsusuri ng mga manggagamot, lumalabas na isang blood clot sa kaliwang bahagi ng utak ang sanhi ng pagka-stroke ng biktima.
Nangyari ang insidente ilang araw matapos ang pagkamatay ni teacher Agnes Buenaflor sa classroom observation sa Muntinlupa City
Patuloy pang inoobserbahan sa pagamutan ang guro.
Samantala, muling kinalampag ng Teachers’ Dignity Coalition sa DepEd na suriin ang classroom observation system na nagdudulot ng “physical and emotional stress” sa mga guro. (EDWIN MORENO)
