HINDI na nagawa pang pumalag ng isang 50-anyos na Korean national matapos dakpin ng mga operatiba ng Bureau of Immigrations (BI) sa bisa ng red notice na inilabas ng Interpol.
Sa impormasyon ng BI, kinilala ang banyaga sa pangalang Yun Daeyoung na patungo sana sa Hanoi, Vietnam nang mabisto na nasa red notice list ng Interpol.
Batay sa record ng Interpol, sangkot umano si Yun sa money laundering ng kinabibilangang sindikato sa South Korea.
Sa imbestigasyon, hindi lamang umano sa South Korea nanggagantso ang Koreano. Katunayan anila, may mga Pinoy na nahulog sa modus kung saan pinapangakuan ang mga biktima ng malaking kita sa online shopping mall. Sa pagtataya ng awtoridad, hindi bababa sa P5 milyon ang nakulimbat ng naturang Koreano mula 24 na transaksyon sa mga Pinoy.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng BI ang dayuhan bago sumalang sa deportation proceedings. (JULIET PACOT)
