HINDI pa man nakakahulagpos sa usapin ng controversial funds, muling nalagay sa alanganin si Vice President Sara Duterte matapos mabuking ang umano’y ghost beneficiaries sa Senior High School Voucher Program ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim.
Bagamat hindi pinangalanan, inihayag ng Department of Education (DepEd) na hindi palalampasin ang sinuman mapapatunayan may kinalaman sa paglalabas ng subsidiya para sa matrikula ng mga umano’y pekeng senior high school students.
Kabilang din sa puntirya ng departamento ang 12 pribadong paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ilalim ng naturang programa, naglaan ang pamahalaan ng cash assistance mula sa P14,000 hanggang P22,500 kada taon para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Pasok din sa sisilipin ng ahensya ang mga school division offices na may saklaw sa 12 paaralan sa Quezon City, Pangasinan, Bulacan, Tarlac. Pampanga at Rizal. Bahagi rin ng imbestigasyon ang mga pribadong eskwelahan sa Eastern Visayas, Northern Samar, Davao del Sur, at Maguindanao.
Garantiya ni DepEd Secretary Sonny Angara, sasampahan ng kaso ang mga opisyales ng departamento, habang nakaumang naman aniya ang kanselasyon ng akreditasyon ng 12 hindi tinukoy na private schools.
“Yes, dapat may penalty tayo para hindi na maulit at hindi na subok nang subok. At hindi lang yung eskwelahan, kundi pati ang mga opisyales nito, dahil may mga pinipirmahan silang dokumento under oath,” wika ni Angara.
Sa pagtataya ng DepEd, hindi bababa sa 19,000 ghost beneficiaries ang ginamit para makapang-umit.
Ang SHS voucher program ay isang uri ng financial assistance program para sa mga estudyante sa senior high school na napilitang mag-aral sa private schools dahil sa dami ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
