SA gitna ng patuloy na pagbigat ng daloy ng trapiko, kinalampag ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Transportation (DOTr) sa sistemang “utak-kotse” sa paglutas ng problema sa Metro Manila at iba pang urbanisadong bahagi ng bansa.
Imbes na paglaanan ng malaking pondo pagpapagawa ng highway, dapat pagtuunan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang pagkakaroon ng mas maraming riles para sa mga tren na aniya’y mas marami pwede isakay kumpara sa mga bus at kotse.
Para kay Cayetano, hindi matutuldukan ang patuloy na pagsisikip ng daloy ng trapiko kung patuloy na aasa sa kotse ang mas maraming Pinoy, habang abala naman ang pamahalaan sa pagpapalapad (widening) ng mga kalsada.
“Why not a railway rather than a highway? Kasi nga ang problema, utak-kotse tayo,” aniya.
“Noong ‘50s, ‘40s, nangunguna tayo, may railway tayo everywhere. Pero napabayaan natin yun and then we went the American way na panay kotse,” dagdag niya.
Binanggit ng senador ang kalbaryo ng maraming manggagawang bumibiyahe araw-araw mula probinsya patungong Metro Manila.
“Not only the hirap, yung tama sa katawan, but yung oras talaga na nasasayang, and then of course yung gastos.”
Suportado rin ni Cayetano ang Metro Manila Subway project pero hindi dapat aniya tumigil ang gobyerno mag-isip ng iba pang kapaki-pakinabang na proyekto sa transportasyon.
“Dapat bago pa matapos ‘yan, pina-plano na ang susunod… kasi it takes six or seven years para matapos. By the time matapos, ilan na ang kotse, ilan na ang tao, tapos panay sa Metro Manila. So may ginagawa ba to extend that out?” pagpapatuloy niya.
Inihalimbawa ng senador ang long-term planning ng Hong Kong, kung saan halos taun-taon ay may bagong subway project.
“Since early or mid-1980s, wala akong punta sa Hong Kong na nakita kong walang ginagawang subway. So by now, makikita n’yo kahit saan ka pumunta sa Hong Kong, halos buong Hong Kong malalakad nyo sa ilalim in most of the areas. Kasi nga, gawa lang nang gawa,” aniya pa.
Sa huli, umaasa si Cayetano na magagamit Dizon ang kanyang karanasan sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang mapabilis ang modernisasyon ng transportasyon tulad ng railways. (ESTONG REYES)
