
Ni JIMMYLYN VELASCO
INALMAHAN ng militanteng grupo ng mga guro ang panukalang batas na nagsusulong ipagbawal ang paggamit ng gadgets sa loob ng paaralan.
Ayon kay Vladimer Quetua na tumatayong chairman ng Alliance of Concerned Teachers, malaking tulong aniya ang mga gadgets na ginagamit ng mga guro sa pagpapasa ng mga takdang aralin – gayundin ang pakinabang sa hanay ng mga mag-aaral na gumagamit ng kanilang cellphone sa pagre-research sa mga asignatura.
Maginhawa rin aniya ang paggamit ng cellphones at gadgets sa pagpapasa mga araling pantahanan.
Para kay Queta, sapat na ang panuntunan ng Department of Education (DepEd) na nagtakda ng limitasyon hinggil sa paggamit ng gadgets sa loob ng mga silid-aralan.
Sa halip na ipagbawal, mas angkop aniyang tutukan ng mga mambabatas ang pagbalangkas ng batas na magbibigay-daan sa libre at mas malawak na access sa internet na aniya’y katuwang ng sektor ng edukasyon sa pangangalap ng impormasyon.
Nakabinbin pa sa Senado ang panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng anumang uri ng gadgets sa loob sa paaralan.