
SA gitna ng direktiba ng Department of Education (DepEd) na nag-aalis ng non-teaching tasks sa mga guro, muling itinulak ni Senador Win Gatchalian ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) upang itaguyod ang kapakanan ng mga guro.
Kasama sa mga panukalang pag-amyenda sa 57-taong Magna Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) ang pagbabawal sa mga non-teaching tasks. Kasama rin ito sa inilabas na ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kung saan binigyang diing sagabal sa epektibong pagtuturo ang dami ng mga non-teaching tasks na ipinapasa sa mga guro.
Ilan pa sa mga amendments ni Gatchalian sa RA 4670 ang pagbabawas sa oras ng pagtuturo mula anim hanggang apat at ang pag-hire sa substitute teacher kung naka-leave ang isang guro.
Kung kinakailangan naman, maaaring maglaan ng hanggang walong oras ang mga guro ng may karagdagang bayad. Katumbas ito ng regular na sahod na dadagdagan ng 25% ng kanilang basic pay.
“May mga pangako ang Magna Carta for Public School Teachers na hindi natupad sa nakaraang 57 taon. Napapanahon na para sa isang bagong Magna Carta na magtataguyod ng kapakanan ng ating mga guro,” sabi ni Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Isinusulong din ng panukalang batas ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay. Nakasaad din sa panukalang batas ang mga kondisyon para sa pagbibigay ng hardship allowance at ang mas pinaigting na criteria para sa mga sahod. Layon din ng panukalang batas na bigyang proteksyon ang mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses at diskriminasyon.
Nagpanukala rin si Gatchalian ng mga mekanismo para itaguyod ang due process sa mga guro. Halimbawa, maaaring maibalik at makatanggap ng back wages ang mga permanenteng guro na natanggal sa trabaho at hindi nabigyan ng due process. Ipinagbabawal sa panukalang batas ang pag-alis sa mga permanent teachers ng walang due process at makatarungang dahilan. Titiyakin din ng panukalang batas ang confidentiality sa mga disciplinary actions laban sa mga guro.
Magkakaroon din ng partnership sa pagitan ng DepEd at Public Attorney’s Office (PAO). Ito ay para maghatid ng mga serbiysong ligal para sa mga gurong humaharap ng reklamong may kinalaman sa pagtuturo at kanilang mga responsibilidad.