HINDI man hayagan, tila sa mga lokal na pamahalaan isinisisi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa paglaganap ng ilegal na minahan sa iba’t ibang panig ng bansa, matapos mabisto ang illegal mining operation ng mga dayuhan sa bayan ng Paracale sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon sa DENR, binabalangkas na ng kagawaran ang bagong panuntunan para sa mas mahigpit na regulasyon at implementasyon ng mga mining permit galing sa mga lokal na pamahalaan.
Sa isang pulong-balitaan, partikular na tinukoy ni DENR Assistant Secretary Rochelle Gamboa ang pagsalakay ng mga awtoridad sa illegal mineral processing plant sa Paracale, Camarines Norte kung saan 11 Chinese nationals ang inaresto.
Bukod aniya sa Paracale, may mga impormasyon na rin umano ang DENR sa nagkalat na illegal mining operations sa ibang probinsya.
Pag-amin ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, limitado ang mga tauhan ng kagawaran sa mga lalawigan – dahilan para kalampagin ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na maging mapanuri sa operasyon sa nasasakupan.
Batay sa umiiral na reglamento, may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan maglabas ng mining permit para sa mga operasyon pasok sa kategorial ng “small-scale mining.”
