ISANG umaatikabong bakbakan ang kumitil sa buhay ng pitong katao sa Bongo Island, bayan ng Parang sa lalawigan ng Maguindanao.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), away sa pagitan ng dalawang pamilya ang nakikitang motibo sa likod ng insidente.
Ayon kay Parang Mayor Cahar Ibay, dakong alas 10:00 ng umaga nang sumalakay ang mga armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Bongo Island kung saan pinuntirya ang kalabang pamilya.
Matapos ang insidente, pitong bangkay ang tumambad sa mga rumespondeng tauhan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM). Ang mga biktima, miyembro ng pamilyang Usman at Aragasi.
Batay sa impormasyong nakalap sa mga nakasaksi sa insidente, pinangunahan nina MILF Commander Macmod at Bayam Usman ang mga armadong sumalakay sa isla. Kinilala naman ang isang Tamano Aragasi na di umano’y namuno sa kabilang panig.
Bukod sa MILF fighters, kabilang rin sa mga nawani ang mga di umano’y Muslim religious leaders.
Sa rekord ng pulisya, una nang nagkasagupa ang dalawang pamilya noong Setyembre 4 ng kasalukuyang taon. Apat ang nasawi sa naturang engkwentro.
Kabilang sa sinisilip na motibo ang agawan ng lupa at alitan sa politika.
