HINDI dapat palampasin ang mga responsable sa likod ng pagpanaw ng hindi bababa sa 30 kataong natabunan sa pagguho ng gabundok na basura sa Binaliw landfill sa Cebu City.
Sa Senate Resolution 277, partikular na isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang imbestigasyon sa kalunos-lunos na insidente bunsod ng kapabayaan at hayagang paglabag sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act).
Sa ilalim ng panukala, inisa-isa ni Gatchalian ang mga posibleng dahilan sa likod ng trahedya — pamantayan sa disenyo ng landfill, operasyon, regulasyon, at mga mekanismo para sa kaligtasan ng publiko.
“Kung hindi natin maitutuwid ang mga panuntunan, malaki ang posibilidad na maulit ang ganitong trahedya sa iba pang mga landfill na maglalagay sa panganib sa mga komunidad at maging sa mga manggagawa,” wika ni Gatchalian.
Aniya, higit na angkop matukoy ang mga sanhi ng pagguho, masuri ang pagsunod sa environmental engineering at safety standards, tingnan ang naging aksyon ng national at local government para sa pagbalangkas ng akmang batas at polisiya sa usapin ng solid waste management. (ESTONG REYES)
