MATAPOS sumingaw ang balasahan sa Department of Health (DOH), gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ibinisto ng isang beteranong kolumnista ang umano’y onsehan sa pagitan ni CWS partylist Rep. Edwin Gardiola at DOH Sec. Ted Herbosa.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Ramon Tulfo ang umano’y pagtanggap ng P60-milyong suhol ni Herbosa mula kay Gardiola para sa pagpapatayo ng pampublikong pagamutan.
Ayon kay Tulfo, sa ibang kontratista umano ibinigay ni Herbosa ang kontrata para sa pagtatayo ng ospital matapos tanggapin ang SOP (karaniwang termino sa suhol) at isang Toyota Land Cruiser.
Isinapubliko rin ni Tulfo ang umano’y mga larawang patunay na tumanggap si Herbosa ng advance mula kay Gardiola.
“Makikita ‘yung malaking kahon na pinaglagyan ng pera, yung mga kasambahay ni Herbosa na tumanggap ng limpak-limpak na salapi, yung pintuan ng bahay ni Herbosa, at yung armored Toyota Land Cruiser na binigay din ni Gardiola sa kanya,” saad ni Tulfo sa kanyang Facebook post.
Ayon kay Tulfo, ang advance ni Gardiola kay Herbosa ay umabot sa P60 milyon para umano manalo sa public bidding ng pagtatayo ng ospital.
“Ang pera ay suhol kay Herbosa ni Gardiola upang manalo ang huli sa mga public bidding sa pagtatayo ng mga ospital, ayon sa aking tweety bird,” aniya pa.
Bukod kay Gardiola, biktima rin umano ng “doublecross” ang isang supplier na nagbigay aniya nhg P27 milyon para tiyakin ang panalo sa public bidding sa procurement deal ng anti-TB drugs sa DOH.
“Sa kasamaang palad, hindi nakuha ng pobreng supplier ang award dahil pinamigay daw ni Herbosa sa iba. Di naman daw isinoli ni Herbosa ang P27 million,” ayon sa pinost ni Tulfo.
Bago pa man binuking ni Tulfo ang mga umano’y onsehan sa DOH, una nang nadawit ang pangalan ni Herbosa sa mahabang talaan ng irregularidad sa kagawaran.
