SA gitna ng kabi-kabilang kontrobersiya sa usapin ng korapsyon at pulitika, karaniwang solusyon ng mga bida ang gumawa ng bago — at mas malaking intriga.
Pero iba ang estilo ng kongresistang anak ng Pangulo.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang planong amyendahan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act para dagdagan ang tulong para sa mga pobreng Pilipino.
Ayon kay Marcos, pinag-aaralan na ng House Committee on Appropriations ang budgetary requirements para sa mga panukala.
“Passing a consolidated 4Ps bill is important to strengthen support for education, health and nutrition. It will help the government provide more sustained assistance to Filipino households,” wika ng bibong anak ng Pangulo sa isinusulong na amyenda sa Republic Act 11310 na mas kilala sa tawag na 4Ps law.
Sa ilalim ng panukala, itataas ang cash grant para sa anak ng mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps. Mula sa P300, target ng panukala itaas sa P500 ang ayuda ng pamahalaan para sa pamilyang may anak na na naka-enrol sa daycare hanggang elementarya.
Gagawin naman P700 (mula sa umiiral na P500) ang tulong pinansyal sa pamilyang may pinag-aaral na estudyante sa high school — at P900 naman kung nasa kolehiyo na ang supling.
