SA gitna ng panawagan ng pamahalaan laban sa paggamit sa paputok, tatlong menor de edad ang nadagdag sa humahabang talaan ng mga biktima.
Sa Quezon City, sabog ang kamay at putol ang ilang daliri ng isang 13-anyos na dalagita matapos masabugan ng paputok na 5-star.
Agad na sinugod ang biktima sa Philippine Orthopedic Center kung saan nagpasya ang mga doktor na putulin nang tuluyan ang mga lumaylay na daliri ng dalagita.
Kwento ng ina ng biktima, nagpaalam ang anak na lalabas lang ng bahay. Ilang saglit pa, nabalitaan na lang umano niyang isinugod na sa pagamutan ang dalagita.
Samantala, sunog at lapnos naman ang balat sa binti at hita ng isang 12-anyos na bata na dinala sa Tondo Medical Center matapos na masabugan naman ng iligal na boga.
Sa lalawigan ng Cavite, ospital din ang kinahantungan ng 7-anyos at kapatid na 4-anyos makaraang masabugan ng napulot na paputok na “boga” sa Barangay Mabuhay, bayan ng Carmona.
Kapwa inoobserbahan sa Dasmariñas City Public Hospital ang magkapatid na nasabugan.
Base sa ulat ng pulisya, dakong alas 7:00 ng umaga nang mapulot ng isa sa dalawang bata isang“boga.” Agad na binitbit at kinalikot pagdating sa bahay kung saan sumabog ang bogang meron pa palang black powder.
Sa lakas ng pagsabog, tumilapon ang bata. Nadamay rin ang 4-anyos na kapatid.
Ang datos ng Philippine National Police, boga, 5-star at piccolo ang mga pangunahing sanhi ng firecracker-related injuries ngayong taon. (Lily Reyes)
