HINDI pa kuntento sa P5-milyong nakulimbat, nakuha pang dukutin ng mga armadong lalaki ang isang lalaking Chinese national na lungsod ng Meycauayan sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ng lokal na pulisya, dakong alas 11:00 ng gabi nang pasukin ng mga armadong suspek ang bahay ng biktima sa Barangay Perez ng naturang lungsod.
Sa nakalap sa video footage sa CCTV camera na nakakabit sa bahay ng hindi pinangalanang biktima, nakikipag-inuman umano ang among Intsik kasama ang dalawang bisitang Pinay nang biglang pumasok ang suspek na agad tinutok ang baril, at saka iginapos ang tatlo.
Habang nakagapos, sinimulan limasin ng mga suspek ang vault ng biktima.
“Siguro kinuha muna yung pera. Nung makuha yung pera sa vault, kasi bukas yung vault nang dumating yung mga operatives, tinalian nila yung mga biktima. Yung iba dinala sa CR,” kwento ni Chairman Job Doroja.
Kuha rin sa CCTV, ang dalawang pulang kotse na ginamit umano ng mga suspek sa pagtakas sa direksyon ng North Luzon Expressway kasama ang dinukot na 33-anyos na lalaking Chinese na kilala di umano sa garments export industry.
Umabot pa sa 45-minuto bago tuluyang nakahingi ng tulong ang ibang biktima.
Ayon kay Kap. Doroja, mag-iisang taon pa lamang nangungupahan ang mga biktima sa kanilang lugar.
