APAT kawani ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang inaresto ng tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ireklamo ng isang puganteng Korean national na hiningan ng milyon-milyong piso kapalit ng kalayaan.
Sa ulat ng NBI, nagpakilalang ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na NICA personnel na dinakip sa entrapment operation sa lungsod ng Pasay.
Sumbong ng Koreano, nakapagbigay na umano siya ng kalahating milyon matapos dakmain ng hindi pinangalanang NICA agents. Pakilala aniya ng mga suspek, may mission order sila para tuntunin ang arestuhin ang mga banyagang nasa talaan ng mga dayuhang may kinakaharap na kaso sa pinagmulang bansa.
Sa takot na makulong at madeport pabalik ng South Korea, pumayag siyang magbigay ng kalahating milyon piso para iwas indulto.
Subalit matapos ang ilang araw, binalikan aniya siya ng mga NICA agents at pilit umano siyang pinaglalabas ng karagdagang P2 milyon. Dito na nagpasya ang Korean national na humingi ng tulong sa NBI na agad na nagkasa ng entrapment operation sa lungsod ng Pasay.
Gayunpaman, hindi dinakip ng NBI ang Korean national na nasa talaan ng watchlist ng Immigration bureau.
Samantala, nakatakdang imbestigahan ng NICA ang mga kawaning arestado sa pangongotong.
