NASADLAK sa kalaboso ang anim na pulis-Maynila matapos dakpin ng mga kabaro kaugnay ng reklamong hulidap sa lungsod ng Makati.
Kinilala ng Makati City Police Station ang mga suspek na sina Sarhento Mark Louie Dela Cruz Saupan, Pat. Marcial Onayan Mariñas, Pat. Edelnor Cuevas Valencia, Pat. Mark Allen Ruben Viaña, Pat. Aeron Paul Villasis Joves, at Pat. John Vasti Bonagua Virtudes. Sa interogasyon, lumalabas na pawang aktibong pulis ang mga arestadong nakatalaga sa Malate Police Station sa lungsod ng Maynila.
Sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, dakong alas 7:48 ng gabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Arsonvel Street, Barangay San Isidro sa nabanggit na lungsod.
Kwento ng mga biktima, galing umano sila sa Malate at nagtungo sa Makati para kunin sana ang gamit ng dalawang babaeng biktima.
Ngunit pagdating umano sa lugar, sinalubong umano sila ng tatlong pulis na nakatutok ang baril, habang nililimas ng iba pang kasamahan ang kanilang mga personal na gamit.
Matapos ang krimen, agad na dumulog ang mga biktima sa Makati police n a agad na rumesponde hanggang sa tuluyang arestuhin ang mga kabarong kawatan.
