ALINSUNOD sa adyenda ng Pangulo, tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno ang pag-ayon ng mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan sa isinusulong na adbokasiya ng administrasyon — ang paghahatid ng de-kalidad na serbisyo sa kabila ng limitadong pondo.
Sa ginanap na groundbreaking ceremony ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Allied Health Sciences Building sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center Complex, nagbigay garantiya ang alkalde na tatapusin ang proyekto sa itinakdang panahon.
Paliwanag ni Moreno, obligasyon ng mga lokal na pamahalaan segundahan ang isinusulong na layunin ng national government — ang palakasin ang serbisyong pangkalusugan at ang produksyon ng health professionals para sa pampublikong serbisyo.
Kahit aniya may kakulangan sa pondo at iba pang rekurso, patuloy na maninindigan ang Maynila na suportahan ang mga programang pangkalusugan ng administrasyong Marcos sa pamamagitan ng imprastraktura, pasilidad at edukasyon.
Dagdag pa ni Moreno, ang pagtatayo ng bagong gusali ng PLM ay inaasahang magpapalawak sa hospital-based training ng mga mag-aaral sa larangan ng medisina at allied health sciences na magsisilbing ambag sa pangmatagalang pagpapalakas ng public healthcare system. (JULIET PACOT)
