HINDI na bago kay Manila Mayor Isko Moreno ang sampahan ng reklamo, pero sa isang natatanging pagkakataon, hindi Manilenyo ang dumulog sa husgado laban sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Batay sa petisyon na inihain sa Korte Suprema ng titser na nagpakilalang Barry Tayam ng Pasay City, partikular na inurot ang husgado maglabas ng temporary restraining order (TRO) para pigilan ang paniningil sa mga negosyante ng aniya’y “masyadong mataas” na garbage fee.
Umapela rin ang petitioner na ideklarang null and void o walang-bisa ang Manila City Ordinance No. 9151 na tinawag niyang “unconstitutional.”
Nakasaad din sa petisyon ni Tayam ang hiling na itigil ang pagkolekta ng bagong fees at atasan ang City Treasurer ng Lungsod na i-refund ang mga nakolekta sa ilalim ng bagong ordinansa mula nang magsimula ang 2026 business permit renewal period.
Ayon kay Tayam, nagdulot ng banta sa mga nagnenegosyo sa Maynila ang mas mataas na garbage fee at iba pang bayarin na nakakaapekto sa libu-libong establisyemento.
Nagkaroon umano ng grave abuse of discretion ang LGU dahil sa hindi pagsunod sa mandatory publication requirements at pag-bypass sa tungkulin ng mga barangay pagdating sa waste segregation at pangongolekta.
Mula nang pumasok ang taon, umabot sa mahigit 1,200 percent ang itinaas ng singil sa garbage fee sa lungsod na ikinagulat ng mga negosyanteng nagpa-renew ng permit.
Nauna nang ipinaliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno na kinakailangan magtaas ng singil dahil sa pagmahal ng bayarin sa koleksyon ng basura. (JULIET PACOT)
