HINDI bababa sa 12 taon ang ilalagi ng isang babae sa likod ng online bentahan ng sanggol matapos umamin sa kasong paglabag ng Republic Act 7610 na mas kilala bilang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sa desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 99, hinatulan ang isang Mary Grace Dalayday na nagpasok ng “guilty plea” para sa ilako online ang bagong silang na sanggol.
Nag-ugat ang kaso sa iligal na pagbebenta online ni Dalayday sa sanggol na 11-araw pa lamang nailuwal sa halagang P50,000.
Kasunod ng pagpasok ng ‘guilty plea’, sinentensyahan ang babae ng anim na taon pagkakakulong sa bawat bilang ng kaso na may kabuuan na 12-taon.
Pagtitiyak naman ng prosekusyon na sila’y nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police – Women and Children Protection Center at tauhan ng social welfare para masiguro ang kapakanan ng sanggol. (JULIET PACOT)
