HINDI halos makilala ang isang pulis-Caloocan matapos kuyugin ng buong angkan ng inarestong tulak sa Barangay 36 ng nasabing lungsod. Sugatan din sa insidente ang hindi pinangalanang police informer.
Bago ang sumiklab ang gulo, nakatanggap di umano ng timbre ang Caloocan City Police – Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta ng droga ng isang alyas Joshua.
Ayon kay Maj. Jansen Tiglao, hepe ng investigation section ng Caloocan police, agad niyang dinispatsa si Cpl. Roger Lagarto para beripikahin ang timbre ng impormante. Pagdating sa lugar, naaktuhan di umano si Joshua na nagbebenta ng droga – hudyat para dakpin ang 24-anyos na lalaki.
Nang masakote ang suspek, humingi umano ng tulong si Lagarto sa mga tauhan ng barangay para bitbitin si Joshua sa barangay. Pagdating punong bulwagan, nagdatingan ang mga kamag-anak ng suspek at ginulpi si Lagarto at kasamang tipster.
“Nagkaroon po ng rambol kumbaga nabugbog po itong, na-hold po itong pulis po natin natin kasi na-overpower po sila nung mga kamag-anak nung Joshua at iba pa po mga tauhan doon,” ani Tiglao.
Agad na tumakas ang mga residente nang dumating ang iba pang tauhan ng Caloocan police.
Gayunpaman, arestado ang dalawang opisyales ng barangay na sina Kagawad Jimmy Marinda at Ex-O Ferdinand Basmayor na kapwa di umano kabilang sa bumugbog sa pulis at kasamang informer.
Kapwa nakapiit na sa Caloocan PNP custodial facility ang drug suspect at pinsan niyang lider ng mga tanod.
