NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), ang 23-anyos na lalaking nanloob sa bahay ng sinasabing kaibigan ni National Police Commission (Napolcom) Commissioner Ralph Calinisan.
Kinilala ni QCPD Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas Nel Mar, 23-anyos, at residente ng Barangay Pag-asa, Quezon City.
Sa ulat ni QCPD Masambong Police Station 2 Commander, Lt. Col Rolando Baula, dakong alas-2:00 ng madaling araw noong Pebrero 14, nang looban ng suspek ang bahay ng umano’y kaibigan ni Calinisan sa Cavite St., Barangay Palto.
Batay sa CCTV footage na kalakip ng reklamo ng biktimang sales director, nakita ang suspek sa aktong pagsampa sa bakod ng compound. Matapos suriin, agad nagsagawa ng follow-up operation na humantong sa pagka aresto ng suspek bandang alas-3:00 ng hapon kinabukasan.
Nasamsam sa suspek ang ilang mahahalagang gamit, kabilang ang ninakaw na mountain bike na nagkakahalaga ng P100,000; mga alahas na nagkakahalaga ng P53,000, at humigit-kumulang P4,000.00 cash.
Sa isinagawang background check, lumalabas na ang suspek ay sangkot din sa nangyaring nakawan sa Puregold West Avenue noong Disyembre 2023 at sa Team Graffiti noong Abril 2025 at Agosto 23, 2025.
Dati na rin inaresto ang suspek noong Oktubre 2025 dahil sa trespassing.
Pinuri naman ni Calinisan ang QCPD chief, gayundin ang hepe ng Masambong Police Station 2 at mga operatiba sa agarang pag-aresto sa suspek sa pagnanakaw at pagbawi ng mga ninakaw na ari-arian.
“Ang mabilis na pagresponde at agarang pag-aresto ay patunay ng seryosong pagtupad ng ating kapulisan sa kanilang mandato. Maraming salamat sa inyong maagap at tapat na serbisyo,” pahayag ng Napolcom chief. (LILY REYES)
