HINDI dapat palampasin ng Korte Suprema ang hayagang kawalan ng respeto ni Senate President Vicente Sotto III.
Ito ang giit ng isang grupo ng abogado matapos maghain ng petisyon para patawan ng indirect contempt si Sotto III dahil sa umano’y hindi paggalang sa judicial power ng Korte Suprema.
Partikular na tinukoy ni Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga petitioner, ang pahayag ni Sotto na kumokontra sa naging desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon ka Atty. Topacio, hindi dapat balewalain ni Sotto ang desisyon ng kataas-taasang hukuman kahit ba “co-equal branch” ang dalawang sangay ng gobyerno.
Paglilinaw ng mga petitioner, hindi babala o pagtatangkang patahimikin ang iba pang senador o kongresista.
Ayon pa kay Topacio, kung papaboran ang kanilang petisyon, posibleng maharap si Sotto sa hanggang anim na buwang pagkakakulong at multang aabot sa P30,000.
Plano rin ng grupo ng mga abogado na maghain ng ethics complaint laban kay Sotto. (JULIET PACOT)
