MAHIGIT isang buwan matapos ang trahedyang kumitil sa buhay ng dalawang atleta, pormal nang hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Ateneo de Manila University men’s basketball team head coach Tab Baldwin at 11 pang indibidwal.
Personal na nagtungo si NBI Homicide Division Chief Romeo Astrero Jr. at iba pang tauhan ng ahensya sa DOJ para isumite ang rekomendasyon — kasong reckless imprudence resulting in two counts ng homicide laban kay Baldwin kaugnay ito ng pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili sa team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
“[Baldwin] conceived, planned and directed the sea drill; chose the open, surf-exposed site; knew a player could not swim yet provided only a verbal rip-current warning – no life vests, lifeguard, or medical/rescue standby – foreseeable peril met with grossly deficient precaution; proximate cause of both deaths,” ayon sa NBI.
Damay rin sa isinusulong na kaso ang dalawang strength and conditioning coach, apat na assistant coach, at isang physical therapist na umano’y nagplano at nagsagawa ng water-resistance run.
Samantala, inirekomenda naman ng NBI ang kasong simple negligence resulting in two counts of homicide laban sa athletic director ng University Athletics Office, gayundin sa operating manager at dalawang co-manager ng Hermanos Resort na iniuugnay sa pangangasiwa ng lugar.
Target din ng NBI panagutin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Dipaculao, Aurora.
