SA loob ng mahabang panahon, mistulang palaisipan kung paano nakakalusot ang ilegal na droga sa mga piitan sa kabila pa ng umiiral na paghihigpit sa mga dalaw ng mga bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) facility sa Muntinlupa City.
Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, nasagot ang misteryo matapos mahulihan ng drogang nakakubli sa supot ng pandesal ang isang kawani ng Bureau of Corrections (BuCor).
Matapos matanggap ang ulat hinggil sa nasabing insidente, agad na ipinag-utos ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na isailalim sa preventive suspension ang lady correction officer na si Melchora Wong para sa masusing imbestigasyon para sa angkop na pagsasampa ng kaso.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Catapang, nabisto ang droga habang nagsasagawa ng inspeksyon si Corrections Officer 1 Benito Pancho sa NBP Gate 1ng Maximum Security Compound.
Habang sinusuri ang isang supot ng pandesal na bitbit ni Wong, tumambad umano ang dalawang sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang droga. Nang ipasuri — positibong shabu.
Dito na nagpasya si Major Henry Avila na tumatayong Camp Commander na magsagawa ng follow-up operation sa NBP Maximum Security Compound kung saan umabot naman sa 33 pang plastic sachets na naglalaman ng shabu ang nakumpiska mula sa isang bilanggo na nagngangalang Reineill Dizon ng Dorm 5A na madalas umanong binibisita ni Wong. (JULIET Q. PACOT)
