
KASABAY ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, kinalampag ng mga aktibista mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang Chinese Embassy sa lungsod ng Makati kung saan inihayag ang saloobin kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea.
Bitbit ang mga plakard, nagpaabot ng mga militanteng hanay ng mga raliyista ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, alinsunod sa international law na nagtatakda ng 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).
Kinondena rin sa kilos protesta ang patuloy na agresyon ng bansang China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Kabilang rin sa mga nakiisa sa kilos protesta ang Atin Ito civil society coalition na naglayag sa West Philippine Sea kasama ang hindi bababa sa 100 bangkang yari sa kahoy, para maghatid ng pagkain sa mga Pilipinong mangingisda sa dakong Bajo de Masinloc at igiit ang karapatan ng Pilipinas sa naturang karagatan.
Samantala, nagtakda rin ng mga aktibidades ang Atin Ito coalition ngayong araw ng Kalayaan, partikular sa usapin ng presensya at mga aktibidad ng China sa loob ng Philippine exclusive economic zone.