SA hangarin tiyakin ang kaligtasan ng humigit kumulang walong miltyong deboto ng Itim na Nazareno, ganap nang itinaas ng Department of Health (DOH) ang code white sa kalakhang Maynila bilang paghahanda sa taunang Traslacion.
Sa isang kalatas, tiniyak ng DOH ang deployment ng mahigit 200 emergency health personnel sa 20 response stations, habang 20 pagamutan naman ang inatasan mag-antabay sa anumang kaganapan sa pinakamalaking prusisyon na magtatapos sa Basilica Menor sa Quiapo, Maynila.
Paalala ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa mga deboto, magdala ng gamot, tubig, magsuot ng komportableng damit, at ID, at alamin ang lokasyon ng medical stations na nakalatag sa mga ruta ng prusisyon.
Samantala, kasado na rin ang Manila Police District (MPD) sa implementasyon ng gun ban simula bukas (Enero 8 hanggang 10), signal jamming, at no-fly zones, at deployment ng mahigit 18,000 pulis para sa seguridad ng selebrasyon.
Una nang sinabi ng pamunuan ng Quiapo Church na may mga kalsadang isasara kahit sa mga deboto para pwestuhan at madaanan ng medical team kung kinakailangan.
Sa tala ng Manila Local Government Unit, inaasahan na aabot sa mahigit walong milyong deboto ang dadalo sa Traslacion 2026.
Samantala, pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ang paglalatag ng seguridad, crowd control at kaayusan sa buong ruta ng prusisyon.
Katuwang ang MPD at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Nicolas Torre III, ibinahagi sa mga mamamahayag ang traffic rerouting, road safety, at disaster preparedness kaugnay ng Traslacion.
Ayon sa inilatag na iskedyul, magsisimula ang mga aktibidad sa Enero 8 sa Quiapo Church, habang madaling-araw ng Enero 9 sisimulan ang Traslacion mula sa Quirino Grandstand.
Daraan ang prusisyon sa Roxas Boulevard, Taft Avenue, Jones Bridge, Carlos Palanca Street, at Quezon Boulevard, bago magtapos sa Quiapo Church.
Naka-deploy na rin ang health stations, rescue teams, at emergency lanes sa buong ruta, lalo’t inaasahang milyon-milyong deboto. Karaniwang nakayapag ang mga kalahok na taunang panata.
Paalala ng mga awtoridad, sumunod sa mga patakaran, panatilihin ang disiplina, at unahin ang kaligtasan at kalusugan upang maging ligtas at mapayapa ang Traslacion ngayong taon. (JULIET PACOT)
