
BUKOD sa nakaambang multa sa pag natyempuhan sa mga national roads, obligado na rin kumuha ng lisensya mula sa Land Transportation Office (LTO) ang mga drayber ng e-bikes at e-trikes sa Metro Manila.
Ito ay matapos pagtibayin ng mga alkaldeng miyembro ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon mahigpit na nagbabawal sa mga e-bikes at e-trikes na dumaan sa national highways sa National Capital Region.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, papatawan ng multang P2,500 ang bawat paglabag sa naturang resolusyon.
“Nagpasa na ang MMC ng resolusyon regarding regulation ng e-trikes/bikes na ipinagbabawal na po natin sa major roads na nasa jurisdiction ng MMDA,” pahayag ni Artes.
Sa ilalim ng naturang resolusyon, impound agad ang e-vehicle sa sandaling walang maipakitang lisensya ang taong nagmamaneho.
Gayunpaman, nilinaw na Artes na bahagi ng resolusyon ang pagbibigay ng sapat na panahon sa mga gumagamit ng e-bike at e-trike na kumuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Aniyya, sisimulan sa Abril ang implementasyon ng MMC resolution.
Pasok sa mga kalyeng babantayan ang Recto Avenue, President Quirino Avenue, Araneta Avenue, Epifanio Delos Santos Avenue, Katipunan, Southeast Metro Manila Expressway, Roxas Boulevard, Taft Avenue, South Luzon Expressway, Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Magsaysay Blvd, Aurora Blvd, Quezon Avenue,, Commonwealth Avenue, A. Bonifacio Avenue, Rizal Avenue, Del Pan/Marcos Highway/Mc-Arthur Highway, Elliptical Road, Mindanao Avenue at Marcos Highway.