NAKATAKDANG isara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) National Capital Region (NCR) ang northbound lane ng EDSA Busway para bigyang-daan ang rehabilitasyon ng kalsadang sadyang inilaan lang para sa mga pampasadang bus sa Metro Manila.
“Nagmi-meeting po kasi kami, inaayos lang namin yung traffic management with Metropolitan Manila Development Authority and also with Department of Transportation, kasi ang sisimulan natin sa rehab ng EDSA ay yung bus lane,” wika ni DPWH-NCR Director Lorie Malaluan
“Uunahin na natin ‘yung bus lane. Isasarado po as agreed upon naman po with MMDA, mag 24/7 ang trabaho kaya magsasarado po tayo ng ating bus lane,” dugtong ng DPWH official.
Sa sandaling isara ang EDSA Busway, balik sa dati ang sistema — labu-labo ulit sa EDSA.
“Ito pong DOTR po ay pinag-aaralan na nila kasi po ang aming proposal ay magiging shared po muna ang mga bus lane while ginagawa po natin o nire-rehabilitate ang EDSA,” dugtong ni Malaluan.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na uunahin ng ahensya ang pagsasaayos ng northbound lane hanggat hinihintay pa ang Department of Budget and Management na ilabas ang pondong panustos sa pagkukumpuni ng southbound lane
Sa pagtataya ni Malaluan, papalo sa P7.3 bilyong ang kabuuang halaga ng naturang proyekto.
“Pinagtutulungan po namin ng MMDA at ng ating mga LGUs, lahat po ng mga stakeholders na yung impact naman po ng traffic during construction ay medyo maibsan po. Pero may konti pa rin pong pag-abala.”
