
KAHIT pa magtino sa loob ng piitan, hindi pwedeng bigyan ng insentibo sa ilalim ng programang Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang nasa 46,000 persons deprived of liberty (PDL) na nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Paliwanag ni BJMP Spokesperson Superintendent Jayrex Bustanera, nakapaloob na diskwalipikado sa GCTA ang mga bilanggong nahaharap sa “heinous crimes” alinsunod sa pinakabagong Implementing Rules and Regulations (IRR) na inilabas noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Ang GCTA ay isang mekanismong magpapaikli ng pananatili sa piitan ng mga PDL na magpapamalas ng pagbabago habang nasa loob ng bilangguan.
“Since disqualified ang PDLs ‘charged’ with heinous crimes, that will account to around 40% of PDL under BJMP… per our latest population of 115,000 PDL, that would account to 46,000 PDL,” wika ng tagapagsalita ng kawanihan sa isang panayam sa telebisyon.
Partikular na tinukoy ni Bustanera ang Article IV Section 1 – “The following shall not be entitled to any GCTA during preventive imprisonment…PDL charged with Heinous Crimes.”
Gayunpaman, nilinaw ng BJMP official na hindi naman umano saklaw ng IRR ang mga presong nahatulan na ng husgado — “The good conduct of a convicted PDL in any penal institution, rehabilitation or detention center or any other local jail shall entitle him to the deductions…”
Samantala, ibinahagi ni Bustanera ang umano’y pag-uusap sa hanay ng mga opisyales ng BJMP, Department of the Interior and Local Government (DILG), Bureau of Corrections (BuCor) at Department of Justice (DOJ) para sa pagbalangkas ng bagong IRR kung saan lahat ng preso pasok sa insentibo sa ilalim ng GCTA.
“As of the moment, the Bucor and DOJ together with BJMP and DILG are working together to finish a Joint Manual for the uniformed implementation of GCTA… we are working on a new manual based on the latest IRR and ruling.” (LILY REYES)