TARGET ng isang mambabatas isalang sa congressional investigation ang overpricing sa likod ng paggawa ng footbridge ng Pasig River Esplanade sa lungsod ng Maynila.
Sa isang kalatas, partikular na kinastigo ni Senador Erwin Tulfo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa proyektong tinustusan ng daan-daang milyong piso ng pamahalaan.
Bukod sa aniya’y kaduda-dudang presyo, iniwan din umanong hindi tapos ng DPWH ang nasabing proyekto.
Sa dokumentong ipinrisinta ng senador, lumalabas na pinondohan ng gobyerno ang “Pasig River Esplanade (Foot) Bridge” noong 2019 ng P284,323,019.22 at may haba na 350 feet o 107 linear meters.
“From the very start pa lang, sobrang overpriced na ito dahil lumalabas na mas mahal pa ito sa mga four-lane vehicular bridges na naitayo sa Maynila,” anang mambabatas.
Base sa datos ng ahensya, malaki ang diperensya sa halagang ng proyekto kumpara sa Binondo-Intramuros Bridge at ang Estrella-Pantaleon Bridge na nagkakahalaga ng P1.3 million kada metro.
“Pero itong footbridge [Pasig River Esplanade (Foot) Bridge, 2.6 million ang halaga kada metro? Mas mahal pa itong foot bridge kumpara sa dalawang four-lane vehicular bridge diyan sa Binondo!” aniya pa.
Para kay Tulfo, dapat ipaliwanag ng DPWH kung bakit mas mahal pa ang footbridge na ito kaysa sa dalawang tulay sa Binondo na daanan ng mga sasakyan.
“Ang masaklap, six years na hindi pa tapos ang tulay dahil pawang mga poste pa lang ang naipatayo,” dagdag pa ng senador.
“Ang masama pa, ubos na raw umano ang pondo na P283 million!!!” pahabol ni Tulfo.
Napag-alaman na panahon pa ni DPWH National Capital Region Director Ador Canlas, ngayo’y undersecretary na, nang aprubahan at umpisahan ang proyekto.
“Tanging si Usec. Canlas lang ang makakasagot kung bakit pinayagan niya ang pagkamahal-mahal na bridge at kung bakit hindi pa ito tapos hanggang ngayon.” (ESTONG REYES)
